P100k pabuya laban sa mga suspek sa Bulacan massacre, iniaalok
Nag-aalok ng pabuyang P100,000 ang lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte City, Bulacan, sa sinumang makakapagturo sa mga suspek sa pagmasaker sa limang mag-anak na nakatira sa lungsod.
Inanunsyo ni San Jose City Mayor Arthur Robes ang pabuya nitong Miyerkules.
"Magbibigay ng pabuya si San Jose del Monte Mayor Arthur Robes ng P100,000, pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikahuhuli ng suspek o mga suspek sa karumaldumal na pagpatay sa mga miyembro ng pamilya Carlos kahapon," ani San Jose del Monte City Rep. Florida Robes sa isang text message.
Natagpuan ng security guard na si Dexter Carlos ang mga katawan ng kanyang biyenan, asawa at tatlong anak, kasama ang isang 3-anyos, pagbalik niya galing sa trabaho noong Martes.
Sinabi ni Superintendent Fitz Macariola, acting city police chief, na maaaring higit sa dalawang tao ang pinaniniwalaan ng mga imbestigador na gumawa ng krimen.
Pahayag pa ni Macariola, dalawang persons-of-interest na ang naimbitahan ng pulisya at marami pa ang tinitignan para sa pagkuwestiyon, base na rin sa pakiusap ni Carlos.
Sinabi ni Carlos na madalas pumasok ang ilang lalaki sa kanilang compound para mag-igib ng tubig para sa kanilang mga kapitbahay sa Block 1, Lot 8, Northridge Subdivision sa Barangay Santo Cristo.
Hinala ng mga pulis, posibleng lulong sa droga ang mga pumatay sa mga biktima nang mangyari ang insidente. —Jamil Joseph Santos/LBG/KVD/AT, GMA News
SOURCE : GMA NEWS
No comments